
Iza Aldana
Jan 25, 2026
NSC iginiit ang soberanya ng Pilipinas, nanindigang labag sa diplomasya ang pananakot at panghihimasok ng dayuhang estado
NSC PINATUTSADAHAN ANG CHINA SA “UNDIPLOMATIC” NA PAHAYAG TUNGKOL SA WEST PHILIPPINE SEA MANILA — Tinawag ng National Security Council (NSC) na undiplomatic at hindi nararapat ang sunod-sunod na pampublikong pahayag ng Chinese Foreign Ministry at ng Chinese Embassy sa Maynila, na umano’y may layuning impluwensiyahan at patahimikin ang mga institusyon ng pamahalaan ng Pilipinas.
Sa pahayag ni Assistant Director General Cornelio H. Valencia Jr., opisyal na tagapagsalita ng NSC, iginiit na ang Pilipinas ay isang demokratikong bansa na pinamamahalaan ng batas, kung saan may tungkulin ang mga opisyal at institusyon ng pamahalaan na ipaalam sa publiko ang mga usaping may kinalaman sa pambansang seguridad—lalo na ang mga nagaganap sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin ng NSC na hindi kailangan ng pahintulot ng anumang dayuhang pamahalaan ang Pilipinas upang tuparin ang naturang mandato.
Muling iginiit ng NSC na ang mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga estado ay dapat resolbahin sa pamamagitan ng pormal na diplomatikong mekanismo, gaya ng umiiral na Bilateral Consultation Mechanism, alinsunod sa internasyonal na batas at pamantayang diplomatiko.
Anila, ang mga pahayag na naglalayong manakot, magbanta, o patahimikin ang mga Pilipinong opisyal na gumaganap ng kanilang legal na tungkulin ay labag sa diwa ng diplomasya at malinaw na paglabag sa Vienna Convention on Diplomatic Relations.
Pinaalalahanan din ng NSC ang China hinggil sa desisyon ng isang independent arbitral tribunal sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) noong 2016, na pumabor sa Pilipinas.
Sa naturang desisyon, idineklarang walang legal na batayan ang “nine-dash line” ng China at kinilala ang mga karapatang pandagat ng Pilipinas sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) nito.
Ayon sa NSC, ang patuloy na pagtanggi ng China na sundin ang arbitral ruling at ang umano’y sariling interpretasyon nito ng internasyonal na batas ang ugat ng tensyon sa West Philippine Sea.
Tinukoy ng konseho ang mga aksyon ng China bilang iligal, mapilit, agresibo, at mapanlinlang, na hindi lamang lumalabag sa soberanong karapatan ng Pilipinas kundi nagbabanta rin sa seguridad ng buong rehiyon.
Sa pagtatapos ng pahayag, tiniyak ng NSC na mananatiling matatag ang Pilipinas sa pagtatanggol ng soberanya, soberanong karapatan, at hurisdiksiyon nito sa West Philippine Sea, alinsunod sa internasyonal na batas. “Gagawin natin ito nang mahinahon ngunit matatag, at hindi magpapadala sa mga tangkang ilihis ang usapin mula sa tunay na problema—ang mga iligal at destabilizing na aksyon na nagbabanta sa kapayapaan at seguridad ng rehiyon,” ayon sa NSC.
