
Iza Aldana
Jan 30, 2026
₱31.34 bilyong gastos, ipinapasa umano sa mamamayan habang coal companies ay pinoprotektahan ng regulator
QUEZON CITY — Mariing kinondena ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang Energy Regulatory Commission (ERC) matapos pahintulutan ang Manila Electric Company (Meralco) at apat nitong power generation partners na maningil ng kabuuang ₱31.34 bilyon sa mga konsyumer sa pamamagitan ng pagpapanatiling mataas ng singil sa kuryente, epektibo Marso 2026. Ayon sa PMCJ, inaprubahan ng ERC noong Enero 27, 2026 ang cost recovery ng mga coal-fired generation companies—PHINMA Energy, South Premiere Power Corp., Sual Power Inc., at Panay Energy Development Corp.—na magreresulta sa ₱0.2816 kada kilowatt-hour (kWh) na dagdag-singil sa bill ng mga konsyumer ng Meralco. Tinuligsa ni Ian Rivera, national coordinator ng PMCJ, ang pahayag ni ERC Chair Francis Saturnino Juan na aniya’y pinabababa ang tunay na epekto ng desisyon. Aniya, kung isasama ang naunang Change in Circumstances (CIC) rate na ₱0.28/kWh na ipinatupad mula Setyembre 2025 hanggang Pebrero 2026, aabot sa ₱0.5617/kWh ang kabuuang singil na sisingilin sa loob ng anim na buwan. Para sa konsyumer na may 500 kWh na buwanang konsumo, katumbas ito ng ₱280 dagdag-bayarin—halos isang araw na sahod ng kalahati ng daily wage earners sa bansa. Giit ni Rivera, nagiging “normal” na raw ang paggamit ng CIC sa ilalim ng EPIRA, na aniya’y abusado at nagpoprotekta sa interes ng malalaking energy monopoly, sa halip na sa konsyumer. Binatikos din niya ang pagpayag ng ERC sa PEDC na maningil ng ₱380.6 milyon (₱0.0093/kWh) para sa umano’y pagkalugi noong Setyembre–Disyembre 2022, kahit kabilang ang planta sa pinaka-inefficient na coal plants at may maramihang outage sa mga nagdaang taon. Dagdag ng PMCJ, ang mga Power Supply Agreement (PSA) noong 2019 ay nakabatay sa mababang coal price assumptions, sa kabila ng malinaw na risks tulad ng price volatility, geopolitical exposure, at stranded assets. Sa panahong iyon, may pangako na ang Pilipinas na bawasan ang greenhouse gas emissions ng 75% sa ilalim ng Paris Agreement, hudyat ng paglayo sa fossil fuels—isang direksiyong binalewala umano ng industriya. Ipinaliwanag ni Ellenor Bartolome, policy, campaigns, and communications lead ng PMCJ, na bagama’t nakaapekto ang pandemya, coal export ban ng Indonesia, at digmaang Russia–Ukraine sa presyo ng coal, pinalala ito ng matagal nang pag-asa sa imported coal at kabiguang isaalang-alang ang kilalang mga panganib. Bunsod nito, konsyumer ang pinapasan ang gastos ng pagkalugi ng fossil fuel industry. Bukod sa pagtaas ng singil sa kuryente, iginiit ng PMCJ na nagdudulot din ang operasyon ng coal plants ng pagkawala ng kabuhayan, polusyon, pinsalang pangkapaligiran, at masamang epekto sa kalusugan ng mga komunidad. Isinalaysay ng isang mangingisdang taga-Iloilo na tinukoy lamang bilang “Lilia” na bumagsak ang kanilang huli at kita matapos mag-operate ang coal plant malapit sa kanilang palaisdaan. Nanawagan ang PMCJ sa ERC na kumampi sa konsyumer, pigilan ang umano’y hindi makatarungang market practices ng mga GenCo, at itulak ang makatarungan at makataong energy transition na hindi ipinapasa sa mamamayan ang gastos ng lumulubog na industriya ng coal.